MANILA, Philippines - Posibleng hindi pa mailipat sa regular na selda si dating Pangulo at Pampanga 2nd district Rep. Gloria Macapagal-Arroyo makaraang ihayag sa Pasay City Regional Trial Court ng mga doktor nito sa Veteran’s Memorial Medical Center (VMMC) na hindi pa ganap na magaling ang pasyente.
Sinabi ni Dr. Antonio Sison, isa sa doktor ni Arroyo, na unti-unti nang gumagaling ang sakit ng pasyente ngunit may “osteoarthritis” pa umano ito at kailangan pang sumailalim sa tatlong beses na physical therapy kada linggo na maaaring tumagal ng isang buwan.
Inirekomenda ni Sison kay Judge Jesus Mupas, ng RTC branch 112, na manatili pa ng VMMC ang dating Pangulo para makumplento ang therapy nito.
Dagdag pa nito na hindi na kailangan ngayon ng 64-anyos na si Arroyo na magsuot ng braces sa leeg habang nasa loob ng pagamutan ngunit kailangang magsuot nito kapag payagan itong makalabas.
Samantala, maging si dating Pangulong Erap Estrada ay nagpahayag ng pagtutol na ilipat sa regular na selda si CGMA.
Hindi naman nagpalabas pa ng desisyon si Judge Mupas sa usapin kung saan pag-aaralan pa nito ang mga detalye base sa mosyon na inihain ng prosekusyon buhat sa Commission on Elections na humihiling na mailipat si Arroyo sa regular na kulungan.
Humingi naman si Mupas ng dagdag na mga detalye ukol sa burol ng nasawing si Rep. Iggy Arroyo upang makapagdesisyon sa mosyon ng dating Pangulo na makalabas ng VMMC at makadalo sa burol ng bayaw.