AFP inalerto sa resbak ng Sayyaf
MANILA, Philippines - Inalerto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang buong puwersa nito sa posibleng ganting pag-atake ng Jemaah Islamiyah (JI) terrorist at Abu Sayyaf Group (ASG) matapos na mapaslang ang 15 terorista kabilang ang tatlong top lider ng grupo sa air strike ng militar sa Parang, Sulu kamakalawa.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) Chief Maj. Gen. Noel Coballes, nasa istilo na ng mga bandido ang rumesbak kapag nalalagasan ng matataas nitong pinuno.
Pinaalalahan rin ni Coballes ang mga sibilyan na maging vigilant sa lahat ng oras dahilan sa maruming lumaro ang mga terorista na maaring magsagawa ng pambobomba lalo na sa matataong lugar bilang resbak sa sinapit na dagok ng air strike operation.
Sa nasabing air strike operation dakong alas- 3 ng madaling araw sa pinagkukutaan ng mga bandido sa Brgy. Duyan Kabau, Parang, Sulu ay kabilang sa 15 nasawi ang tatlong top JI at Abu Sayyaf lider na sina Gumbahali Jumdail alyas Doc Abu Pula ; Commander ng Abu Sayyaf at ang dalawang lider ng JI terrorist na sina Zulkipli Bin Hir alyas Marwan at Muhammad Ali bin Al-Rahman alyas Mauyiah.
Si Doc Abu ay may reward na P7.4M mula sa gobyerno at karagdagang $140,000 naman mula sa Estados Unidos; Marwan, P7.4M maliban pa sa $200,000 at karagdagang $5,000.000 mula naman sa Estados Unidos habang si Mauiyah ay $50,000 mula sa Estados Unidos.
Sinasabing nagkahiwahiwalay ang katawan ng karamihan sa 15 napatay na terorista sa tatlong rounds ng bomba na ibinagsak sa natukoy na pinagkukutaan nito ng OV 10 bomber plane ng Philippine Air Force.
Samantala, 6 pang JI members na kumikilos sa Sulu ang pinaghahanap ng AFP.
- Latest
- Trending