MANILA, Philippines - Nagpahayag ng suporta kay Political Affairs Adviser Ronald Llamas ang mga mambabatas kaugnay sa kontrobersiyal na pirated DVD isyu.
Ayon kay boxing icon at Sarangani Rep. Manny Pacquiao, pinapalaki lang ng mga kalaban ni Secretary Llamas ang issue ng DVD dahil kung tutuusin ay wala umano itong nilabag na batas at nag-sorry na rin sa nangyari.
“Kilala ko si Sec. Llamas at alam kong nasa puso talaga niya mga ordinaryong kababayan natin kaya nga kahit ang lifestyle niya tulad din ng ordinaryong Pilipino,’ ani Congressman Pacquiao.
Nauna rito ay sinabi ni Pangulong Aquino na buo ang kanyang tiwala at kumpiyansa kay Llamas lalo pa’t humingi na siya ng paumanhin sa pagbili ng piniratang DVDs, na ayon sa Pangulo ay wala namang kinalaman talaga sa trabaho ni Llamas.
Sinabi naman ni Sen. Alan Peter Cayetano na dapat nang tantanan ng mga kritiko ng Palasyo si Llamas, lalo na iyong naggigiit na disiplinahin ang opisyal.
“Malinaw na malaki ang papel na ginagampanan ni Secretary Llamas sa kampanya ng administrasyong Aquino laban sa korapsyon, partikular sa pangangalap ng mga solidong ebidensya at pagbuo ng mga kaso laban kay dating Pangulong Arroyo at iba pang opisyal ng dating administrasyon,” dagdag ng senador.