2 JI leader, 13 pa todas sa Sulu air strike
MANILA, Philippines - Dalawang mataas na lider ng teroristang Jemaah Islamiyah, isang Abu Sayyaf commander at 12 pa ang napatay sa inilunsad na air strike ng puwersa ng militar sa Brgy. Duyan Kabau, Parang, Sulu nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni AFP-Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. ang napaslang na sina JI leader Zulkipli Bin Abdul Hir alyas Marwan at Ibrahim Muhamda Ali alyas Mauwiyah/Anjala. Patay din si Abu Sayyaf Commander Gumbahali Jumdail alyas Doc Abu Pula.
Si Marwan, senior JI representative, bomb expert na nagsasanay sa Abu Sayyaf at lider ng JI terrorist ay may patong na $200,000 at karagdagang $5,000,000 mula sa US reward program at P7.4 M mula sa pamahalaan ng Pilipinas.
Si Mauwiya na isang Singaporean at lider din ng JI terrorist ay may patong sa ulong $50,000 at kasamahan ng JI terrorist na si Omar Patek na sinasabing nagtatago sa Maguindanao.
Samantala si Doc Abu, ASG leader sa Sulu na may patong sa ulong $140,000 mula sa US at P7.4 M naman mula sa gobyerno ay sangkot sa 21 counts ng kidnapping at serious illegal detention sa pagbihag sa 20 katao sa Dos Palmas Beach Resort sa Puerto Princesa City, Palawan noong Mayo 27, 2001 at pagbihag sa 21 katao na karamihan ay mga European noong Abril 23, 2000 sa Sipadan Island, Sabah, Malaysia kung saan ang mga bihag ay itinago sa Sulu.
Ayon kay Burgos, bandang alas-3 ng madaling araw ng magsagawa ng airstrike operations bilang bahagi ng all-out justice ang Philippine Air Force OV 10 bomber plane katuwang ang ground troops ng elite forces ng Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Marines sa natukoy na pinagkukutaan ng grupo ni Doc Abu kasama ang dalawang lider ng JI terrorist sa nasabing lugar.
Nakatanggap ng impormasyon ang tropa ng militar hinggil sa presensya ng 30 terorista kabilang ang anim na JI terrorist na dumating sa Sulu noong Disyembre 2011.
Binigyang diin ni Burgos na isang malaking dagok sa JI at Abu Sayyaf ang tagumpay ng operasyon ng militar laban sa teroristang grupo.
- Latest
- Trending