Corona nanalo ng P1M sa raffle promo
MANILA, Philippines - Kinontra kahapon ng mga abogado ni impeached Chief Justice Renato Corona ang kahilingan ng prosekusyon na ipa-subpoena ang president, general manager at iba pang awtorisadong opisyal ng PS Bank sa Paseo de Roxas, Makati upang matanong tungkol sa diumano’y P1 milyong napanalunan ni Corona noong 2008.
Hiniling ng prosekusyon na dalhin din ng mga opisyal ng PS Bank ang Specimen Signature Card(s) ng bank accounts kung saan nanalo umano ang isang Renato Corona ng P1 milyon sa Monthly Millions Raffle Promo at nakatala sa Official List of Winners noong Marso 13, 2008.
Bukod pa sa nasabing dokumento, nais ding ipadala ng prosekusyon ang dokumento kaugnay sa iba pang bank accounts, time deposits, money market placements at peso/dollar accounts na nakapangalaan kay Corona at asawa nitong si Cristina.
Ayon sa depensa, maliwanag na “fishing expedition” o pangangalap ng ebidensiya ang ginagawa ng prosekusyon kaya hind ito dapat pagbigyan ng impeachment court.
Maliwanag din umanong hindi matukoy ng prosekusyon kung anong partikular na dokumento ang nais nilang ipadala sa mga opisyal ng PS Bank na ibinase lamang umano sa suspetsa at hinala.
Kinontra din ng depensa ang kahilingan ng prosekusyon na maipa-subpoena ang Manager ng BPI Ayala Branch upang tumestigo kaugnay sa Bank Account No. 1443-8090-61 na diumano’y pagmamay-ari ni Corona at ng asawang si Cristina.
Ayon sa depensa, ibinasura na ng impeachment court ang paragraph 2.4 ng Article 2 na may kaugnayan sa diumano’y ill-gotten wealth ni Corona kaya walang basehan ang pagpapatawag sa opisyal ng bangko o dokumentong iniuugnay kay Corona.
Sinabi pa ng depensa na ibinatay lang ng prosekusyon ang paragraph 2.4 sa suspetsa at “reports” at maituturing na ‘irrelevant at immaterial’ ang mga dokumentong nais ipa-subpoena ng prosekusyon.
- Latest
- Trending