MANILA, Philippines - Malamang na pabayaan na lamang ng House committee on justice na mamatay ang impeachment complaint na isinampa laban kay Supreme Court Associate Justice Mariano del Castillo.
Ito ay matapos na kanselahin ang pagdinig ng reklamo kahapon kahit na mauubos na ang 60 session days na itinakda ng batas upang talakayin ito. Kahapon ay limang session days na lamang ang nalalabi para tapusin ito ng komite.
Si House committee on justice chairman Niel Tupas Jr., at iba pang senior members ng komite ay abala sa impeachment trial ni SC Chief Justice Renato Corona.
Paliwanag ni Tupas, idedetermina pa umano ng mga miyembro ng House Committtee on Justice kung ano ang direksyong dapat na tahakin ng del Castillo impeachment case.
Idinagdag pa nito na na may tatlong opsyon ang komite: una, kumpletuhin ang proseso at ipa-impeach si del Castillo; pangalawa, pagbotohang ibasura na lamang ang kaso at pangatlo, ibasura ang kaso dahil sa kakapusan ng oras.
Bagama’t alam na kakaunting araw na lamang ang nalalabi mula sa 60 session days na inilaan, inamin naman ni Tupas na naging factor ang pagiging abala niya, at iba pang prosekutor na miyembro ng House Justice Committee sa Corona Impeachment Trial.
Si del Castillo ay sinampahan ng reklamo dahil sa pangongopya umano ng desisyon sa kaso ng comfort women.
Ang reklamo kay del Castillo ay pinagbotohan nang sufficient in form at sufficient in substance ng Justice committee. Pagbobotohan pa kung mayroon itong sapat na ground upang magsampa ng kaso sa Senado matapos na marinig ang panig ni del Castillo. (Butch Quejada/Gemma Garcia)