MANILA, Philippines - Handa nang kanselahin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pasaporte ni Ramona Revilla, ang kapatid at isa sa mga suspek sa pagpatay kay Ramgen Bautista (Revilla) kapag nagpalabas na ng order ang korte.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, inaantay na lamang ng DFA ang kautusan mula sa korte na nag-aatas sa DFA na kanselahin ang PHL passport ni Ramona na nagtatago ngayon sa Turkey kasama ang kanyang asawang Turkish.
Ang pahayag ni Hernandez ay bilang tugon sa kahilingan ni Janelle Manahan at abogado nito sa DFA na ikansela ang passport ni Ramona upang madaling matunton ito ng mga naghahanap na awtoridad.
Magugunita na idinawit si Ramona sa pagpatay kay Ramgen at tangkang pagpatay din kay Manahan sa loob ng tahanan ng mga Revilla sa Parañaque City noong Oktubre 28, 2011.
Si Ramgen ay nasawi bunsod ng mga tama ng saksak at baril sa katawan habang si Manahan ay nakaligtas sa insidente matapos na pasukin ng mga suspek.
Lumalabas naman sa imbestigasyon ng Parañaque Police na mismong mga kaanak o kapatid ni Ramgen na sina Ramon Joseph (RJ) at Ramona ang may kagagawan umano sa krimen. Isa pa nilang kapatid na si Maria Ragelyn Gauil Bautista ay isinasangkot din sa nasabing insidente.
Gayunman, mariing pinabulaanan ni Genelyn Magsaysay, ina ni Ramgen, Ramona at RJ na walang kinalaman ang kanyang mga anak sa pagpatay mismo sa sarili rin nilang kapatid.
Apat na suspek sa krimen ang hawak na ngayon ng mga awtoridad maliban kay Ramona.
Hiniling na rin ng kampo ni Manahan sa korte na ilagay sa hold departure order ang mga suspek sa krimen.