P10-M discount ni Corona sa Bellagio tower - witness
MANILA, Philippines - Nakakuha ng P10 milyon discount si Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona para sa kanyang ari-arian sa Bellagio Tower mula sa Megaworld property.
Ito ang nadiskubre matapos na iharap ng prosecution team ang Finance director ng Megaworld na si Mr. Giovanni Ng kung saan nabili ng mag-asawang Corona ang penthouse unit na nagkakahalaga ng P14.5 milyon.
Sa pagtatanong pa ni private prosecutor Joseph Perez kay Ng, lumalabas na tatlong beses binayaran ng mag-asawang Corona ang Bellagio property kung saan una itong binayaran noong Abril 20, 2009 ng halagang P5 milyon sinundan ito noong Oktubre 16, 2009 na nagkakahalaga ng mahigit sa P4 milyon at Oct 17, 2008 na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Ibinulgar din ni Ng na nakakuha ng 40 porsiyentong discount o nagkakahalaga ng P10 milyon mula sa Megaworld ang mag-asawang Corona.
Lumalabas din sa pahayag ni Ng na nakabili ng halagang P6.1 milyon na condominium unit sa Mckinley Hill ang mag-asawang Corona subalit nakapangalan sa anak nitong si Ma. Charina Corona subalit binayaran din ito ng hulugan kung saan unang bayad nito ay noong July 2006 na mahigit sa P200,000, August 8,2006 mahigit sa P400,000, September 2006-August 2008 ng halagang P5 milyon at August 29, 2008 na nagkakahalaga rin ng mahigit sa P4 milyon.
Bagama’t nakapangalan kay Charina ay nakapangalan ang resibo sa mag-asawang Corona dahil sa nasa ibang bansa umano ang una kaya’t kinatawan nila ang kanilang anak.
Nilinaw ni Ng, na walang kaugnayan sa pagiging opisyal ng Korte Suprema ni Chief Justice Renato Corona ang ibinigay na malaking discount para sa pagkakabili ng unit sa Bellagio Condominium sa lungsod ng Taguig.
Taliwas ito sa ibig ipahiwatig ng prosekusyon na pinagkalooban ng discount si Corona dahil sa kaniyang posisyon sa hukuman.
Ayon kay Ng, depektibo pa ang unit noong binili ni Corona at kailangan pa ng ilang pagsasaayos.
Natapat din umano noon sa mahinang bentahan ng unit dahil sa pagbagsak ng ekonomiya sa Estados Unidos kaya pursigido silang makapagbenta dito sa Pilipinas.
Sinabi pa ng finance director na kahit ang mga senador na bibili ng ganoong unit na kailangan pang isaayos ay bibigyan din nila ng malaking discount bilang konsiderasyon.
Dahil sa nasabing mga pahayag, itinuturing pa ng depensa na pabor sa kanila ang pagharap ng testigo na ipinaharap ng prosekusyon.
Isusunod namang ipapatawag ng prosecution ang Senior Vice-president ng Megaworld dahil ito ang may direktang kaalaman kung magkano ang halaga ng mga ari-arian sa Bellagio at Mckinley matapos na ihayag ni Ng na wala siyang alam tungkol dito.
Samantala, sa ika-8 araw ng impeachment trial, binago ng prosecution team ang order of presentation ng walong articles of impeachment.
Nakasaad sa manifestation na matapos talakayin ang Article 2 ay ang Article 3 kasunod ang Article 7 saka ang Article 1, 8, 4, 5 at 6.
- Latest
- Trending