MANILA, Philippines - Makakaasa ang publiko ng tamang impormasyon at deretsong pagbabalita hinggil sa impeachment trial ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona at iba pang mga pangyayari dahil sa matagumpay na paglulunsad ng ‘Mobile Radio Project’ ng UNTV- Radyo La Verdad, 1350khz, sa pihitan ng mga radyo sa AM band.
Ayon sa respetadong broadcast journalist na si Daniel ‘Kuya Daniel’ Razon na siyang may likha ng konsepto, layunin ng proyekto na maihatid sa publiko ang impormasyon sa anumang pangyayari katulad ng paglilitis kay CJ Corona.
“Kung nasaan ang balita, doon makikita ang mobile radio,” paliwanag ni Kuya Daniel. Aniya pa, sapul ng magsimula ang impeachment ni CJ Corona, “nakatutok” na rin sa Senado ang mobile radio booth ng UNTV.
Maalalang bukod sa proyekto, pinangunahan din ni Kuya Daniel at ng UNTV ang ‘Tulong Muna Bago Balita’ (Rescue First Before Reporting) News and Rescue Team noong isang taon.
Pinasalamatan din ni Kuya Daniel ang buong suportang ibinibigay sa kanyang mga programa ng Members of the Church of God International (MCGI), sa pamamagitan ng pinuno nito na si Bro. Eliseo ‘Bro. Eli’ Soriano, ang popular na ministro ng programang ‘Ang Dating Daan’ (ADD) na ngayon ay napapanood na sa buong mundo.
Matatandaan na marami nang programa para sa mahihirap ang matagumpay na nailunsad ni Bro. Eli at Kuya Daniel katulad ng ‘First-Free Transient Homes,’ ‘Free Bus and Jeepney Ride,’ La Verdad School free education at libreng medical mission at legal consultation.