MANILA, Philippines - Mamumula ngayong araw ang Korte Suprema dahil mula sa pagsusuot ng itim sa tuwing Lunes, ngayon ay pawang nakasuot naman ng kulay pula ang mga empleyado, huwes at iba pang supporters ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa isasagawang programa at novena sa mismong SC compound sa P. Faura, Ermita, Maynila.
Kabilang sa mga dadalo na magsisimula alas 4:30 ng hapon, ang mga miyembrong Solidarity 4 Sovereignty, Supreme Court Employees Association (SCEA), mga hukom upang magdasal upang depensahan umano ang mga atake sa kanilang institusyon ng tinagurian nilang lider na isang “de facto dictator.”
Sinabi ni SCEA president Jojo Guerrero na ang kanilang Black Monday protest ay upang kondenahin ang aniya’y kamatayan ng demokrasya at ang ngayong pasusuot ng pula ay upang ipakita naman ang tapang at suporta sa laban upang magkaroon aniya ng judicial independence.
Hindi umano maapektuhan ang kanilang trabaho na magserbisyo sa publiko dahil tatapusin ang oras ng trabaho bago sila magsimula ng programa.
Nasa 27,000 ang court employees sa bansa kung saan kabilang ang 3,000 na miyembro ng SCEA.