MANILA, Philippines - Naglaan ng P193 milyong endowment funds ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa 86 government hospital sa bansa.
Ayon kay PCSO chairperson Margarita Juico, inaprubahan ng PCSO board ang pagbibigay ng P193,100,000 na endowment fund para sa 86 government hospitals na inirekomenda ng Fund and Allocation Department. Ang FAD-PCSO, sa pamumuno ni Dr. Larry Cedro, ang tumukoy at nagrekomenda sa PCSO board ng napiling mga government hospitals.
Wika pa ni Chairperson Juico, ito ay nasa campaign promise ni Pangulong Aquino para sa universal health care sa lahat ng Filipino.
Sinabi naman ni PCSO general manager Jose Ferdinand Rojas, sakaling kailanganin pa ng mga ospital na ito ang karagdagang pondo ay puwede nilang ipaabot ito sa PCSO lalo na kung maraming pasyente pa ang dapat gamutin.