Lapid walang balak sundan ang misis sa US
MANILA, Philippines - Wala pang balak si Senator Lito Lapid na sumunod sa kaniyang asawa sa Amerika na kinasuhan doon matapos mahulihan ng nasa $50,000 noong nakaraang taon.
Ito ang sinabi kahapon ni Alex Marcelino, media relation officer ni Lapid tungkol sa kinakaharap na problema ng kaniyang boss.
Inihayag ni Marcelino na nasa Amerika na ang anak ng senador na si Mark Lapid, general manager ng Philippine Tourism Authority (PTA) kaya mananatili na lang sa bansa ang senador.
Itinakda na umano sa Pebrero 7 ang preliminary hearing sa kasong kinakaharap ng asawa ni Lapid na si Marissa.
Ayon pa kay Marcelino, palagi namang nakakausap ng senador ang kaniyang asawa sa pamamagitan ng telepono.
Kamakalawa ay sinigurado ng senador na haharapin ng kaniyang asawa ang kaso at mayroon na rin silang abogado.
Samantala, pinabulaanan din ng media officer ni Lapid ang ilang ulat na gagamitin umano sa casino ang $50,000 na nakuha kay Mrs. Lapid sa airport.
- Latest
- Trending