MANILA, Philippines - Hinarang ng mababang hukuman ang nakatakdang pagsasagawa ng imbestigasyon kay Atty. Magtanggol Gatdula, ang nasibak na director ng National Bureau of Investigation (NBI) na idinawit sa kaso ng kidnapping at extortion sa Japanese national na si Noriyo Ohara.
Batay sa inilabas na temporary restraining order (TRO) na may bisa ng 72 oras na ipinalabas ni Manila RTC Executive Judge Marino dela Cruz, tinukoy ng hukom sa kanyang desisyon ang Rule 58 Section 5 ng Rules of Court.
Partikular na pinipigil ng TRO ang Malakanyang at Department of Justice (DOJ) sa pagsasagawa ng preliminary investigation laban kay Gatdula.
Nakasaad sa 3-pahinang kautusan na may kapangyarihan ang korte na ikonsidera ang aplikasyon para sa pagpapalabas ng TRO lalo na kung ang kaso ay napakahalaga at ang petitioner ay daranas ng grave injustice at irreparrable injury.
Una nang naghain si Gatdula ng urgent petition for certiorari and prohibition sa Manila court matapos siyang sibakin at akusahan gayung napagkaitan siya ng due process sa kaso ni Ohara.
Nai-raffle na ang kaso at napunta kay Manila RTC Judge Felixberto Olalia na nagtakda naman ng pagdinig sa Enero 30, 2012.