MANILA, Philippines - Iimbestigahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang asawa ni Chief Justice Renato Corona matapos mabuking na nakabili ito ng isang bahay noong September 9, 2003.
Inamin kahapon ni BIR Commissioner Kim Henares sa impeachment court na noon lamang Enero 20, 2012 nila nadiskubre ang pagbili ng asawa ni Corona na si Cristina ng bahay sa La Vista, Quezon City bagaman at wala itong ‘proof of income’ at maituturing noon na one-time tax payer.
Sinabi ni Henares na walang pinagkakakitaan noon si Mrs. Corona at hindi naghain ng income tax return pero nasa pangalan nito ang biniling P11 milyong bahay sa La Vista.
Nang tanungin ni Senate President Juan Ponce Enrile, presiding judge sa impeachment trial kung bakit hindi noon inimbestigahan ng BIR si Mrs. Corona, sinabi ni Henares na hindi pa siya commissioner ng BIR.
Nagkaroon lamang umano ng income si Mrs. Corona ng maging opisyal ito ng John Hay Management Corp. noong 2007 hanggang 2010.
Inihayag din ni Henares na si Pangulong Noynoy Aquino ang nagbigay ng “Presidential Authorization” para ilabas ang income tax ni Corona at misis nito.
Ang authorization ay sumasakop sa ITR at “alpha list” hindi lamang ng mag-asawang Corona kundi maging ng kanilang mga anak.
Kabilang sa testimonya ni Henares ang kawalan ng paghahain ng Supreme Court ng alpha list at ITR ni Corona mula 2002 hanggang 2010 subalit nakapaghain ang SC ng withholding tax mula 2006 hanggang 2010.
Samantala, gusto ng House prosecution panel sa Senate impeachment court na i-subpoena ang limang bangko kung saan may deposito umanong pera si Corona at kanyang asawa.
Sa apat na pahinang request, hiniling ng prosekusyon na i-subpoena ang manager ng BPI Ayala Branch, RCBC Katipunan Branch, PNB Financial Center sa Pasay, Land Bank of the Philippines Malate at BPI Family Savings Bank sa kanto ng Paseo de Roxas at Dela Rosa st., Makati City. (Malou Escudero/Gemma Garcia/Butch Quejada)