BFP official nasa 'hot water'
MANILA, Philippines - Nasa balag ng alanganin ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos na sampahan ng patong-patong na kaso ng isang negosyante sa tanggapan ng Ombudsman, kahapon.
Ang opisyal ay kinilalang si Chief Supt. Samuel R. Perez, officer-in-charge ng BFP, dahil sa umano’y paglabag nito sa Republic Act 3019 o Graft and Corrupt Practices Law, no. 6713 o code of conduct for government employees at no. 9184 o Government procurement law.
Ayon kay Atty. Toni Angeli Coo, representative ng Kolonwel Trading and In Seung, Apprel Co. Ltd., ang kaso ay bunga ng hindi umano pagpapahintulot ni Perez na ibigay ang kontratang napanalunan sa bidding ng nasabing kumpanya para sa pagbili ng mga kagamitang magagamit ng BFP na umaabot sa P242.8 milyon.
Nauna rito, nanalo bilang bidder ang Kolonwel para magsuplay ng mga kagamitan o personal protective equipment (PPE) nito at inaprubahan ang nasabing kontrata ng Bid and Awards committee ng BFP noon pang Mayo 2011.
Ang nasabing kontrata ay pinirmahan ni BFP Chief Director Rolando Bandilla at DILG Sec Jesse Robredo. Nasuspinde si Bandilla at si Perez ang humalili sa kanya.
Sinabi ni Coo, nang maupo bilang officer in charge si Perez ay biglang nagdesisyon itong hindi tanggapin bilang nanalong bidder ang Kolonwel nang hindi pinag-aralang mabuti.
- Latest
- Trending