Lim paborito sa NBI post
MANILA, Philippines - Pinaka popular na napipili ng mga kongresista bilang director ng National Bureau of Investigation (NBI) na papalit kay Magtanggol Gatdula ay si Customs Deputy Commissioner Danilo Lim.
Ayon kina Reps. Juan Edgardo Angara (LDP, Aurora); Roilo Golez (LP, Parañaque City); JV Ejercito (PMP, San Juan) at Teodoro Marcelino (LP, Marikina City) si Lim ang naaayon sa binakanteng puwesto ni Gatdula.
Sinabi ng mga Kongresista, ang pagtatalaga kay Lim bilang director ng NBI ay welcome development sa programa ni Pangulong Aquino na “matuwid na daan” patungo sa magandang pamamahala.
Inindorso din ng mga haligi ng oposisyon na si Rep. Carlos Padilla (NP, Nueva Vizcaya) at Asst. Majority Leaders Bolet Banal si Lim na ikinokonsidera bilang isa sa matapang na lider at may hindi matatawarang reputasyon.
Para naman kay Rep. Rex Gatchalian (NPC, Valenzuela City) rerespetuhin nila ang Pangulong Aquino sakaling piliin nito si Lim bilang susunod na NBI chief.
Si Lim ay naitalaga na rin bilang intelligence chief ng BOC kayat buo ang tiwala ng Pangulo dito dahil maituturing din itong idealist at mabuting sundalo at magiging asset din ng anumang organisasyon.
Samantala, ineendorso naman ng mga sundalo para maging NBI chief si Lim dahil batid nilang matino at tinatahak nito ay ang tuwid na daan.
Bukod kay Lim, lumutang din na kandidato sa posisyon sina CIDG director Samuel Pagdilao Jr. at retired PNP chief Raul Bacalzo na pawang mga abugado. (Gemma Garcia/Butch Quejada/Rudy Andal)
- Latest
- Trending