MANILA, Philippines - Sinibak ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang dalawa nitong opisyal matapos isabit kaugnay ng umano’y kasong kidnapping at $10 milyong extortion deal sa isang Singaporean national.
Kinilala ni Director Pagdilao ang mga tinanggal sa kanilang posisyon na sina Supt. Honorio Agnila, hepe ng CIDG Anti-Fraud and Commercial Crime Division (AFCCD) at ang Deputy Operation Chief nito na si Chief Inspector Renato Ocampo na nanindigan namang lehitimo ang kanilang isinagawang operasyon.
Sinabi ni Pagdilao na ang pagsibak sa dalawa niyang opisyal ay upang bigyang daan ang patas na imbestigasyon laban sa mga ito kaugnay ng idinulog na reklamo ng kampo ng inaresto ng mga itong Singaporean na si Ah Chai Teo.
Samantalang isasalang rin ang mga ito sa kasong administratibo kaugnay ng pagkakaantala ng pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Teo na nasakote noon pang Disyembre 17 noong nakalipas na taon sa Pasay City kaugnay ng illegal possession of firearms sa nahuli ritong cal 9 MM.
Ipinaliwanag naman ni Pagdilao na nag-ugat ang isyu ng kidnapping matapos na dumulog sa PACER ang isang Janet Villareal, country manager ng Octagen Metal Company noong Disyembre 19, 2011 kaugnay umano ng pagkawala ng kaniyang employer na si Teo simula pa noong Disyembre 16 na siya mismong hinuli ng AFCCD operatives.