MANILA, Philippines - Tinuligsa ng Bantay Gloria Network (BNG) kahapon ang umano’y “walang-humpay na pagtatahi ng kasinungalingan” ni Chief Justice Renato Corona kaugnay ng mga “tagong-yaman” nito.
Ayon kay Rissa Hontiveros ng Akbayan matapos ilahad ng journalist na si Raissa Robles sa kanyang blog na noon ring 2003 ni-revoke ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang lisensya ng kumpanyang pag-aari ng pamilya ng asawa ni Corona na si Ma. Cristina, ang Basa-Guidote Enterprises, Inc. (BGEI).
Ayon kay Corona, mula 2003 hanggang 2009 ay nagkaroon siya ng cash advances mula sa BGEI kabilang ang P11 milyon, bagamat revoked na ang lisensya nito noon pang 2003 at noong 2007 ay natapos na ang grace period nito para mag-operate ng legal.
“Imposibleng nakapag-raise si Corona ng P11 milyon mula sa isang kumpanyang sarado na. Kung ganun, ang talagang papasok sa isipan ng taumbayan ay sumawsaw si Corona sa pondo ng hudikatura,” ani Hontiveros.
Samantala, nagsimula nang magkaroon ng bitak sa pamilya Corona matapos umalma si Mrs. Randy Basa, biyuda ni Jose Basa III na tiyuhin ng misis ni CJ Corona, na hindi binigyan ng awtorisasyon ng BGEI si Corona ang sinasabi nitong cash advances niya.
“Napag-alaman namin na nagdeklara si Renato Corona sa kanyang SALN ng business interest sa BGEI, na nagkaroon siya ng cash advances noong 2003-2009. Walang anumang miting o awtorisasyon kaugnay ng sinasabi niyang cash advances,” wika ni Mrs. Basa.
Ayon kay Hontiveros, sa pahayag ni Basa ay lalo pang humigpit ang lubid na nakaikot ngayon sa leeg ni Corona kung kaya wala nang iba pang opsyon na nalalabi sa kanya kundi ang magbitiw.
Samantala, hiniling din ng prosecution panel sa impeachment court na isubpoena ang director ng Securities and Exchange Commission (SEC) upang maisumite ang report kaugnay ng mga korporasyong pag-aari ni Corona kung saan ay kumuha ito ng P11 milyon gaya ng nakasaad sa kanyang SALN. (Butch Quejada/Gemma Garcia)