Maglolo natusta sa sunog

MANILA, Philippines - Natusta ang katawan ng mag-lolo makaraang aksidenteng makulong ng apoy sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa Butuan City, Agusan del Norte kahapon ng madaling araw.

 Kinilala ang mga biktima na sina Nicanor Barotac, 56 at ang 3 -anyos nitong apong si Christian Hinayon.

Sa ulat ng Butuan City Fire Marshal, naganap ang insidente sa tahanan ng mga biktima sa Purok 2, Brgy Villa Kanangga, Butuan City bandang alas-4 ng madaling araw.

Ayon sa imbestigasyon , kasalukuyang mahimbing na natutulog ang mga biktima ng bigla na lamang lamunin ng apoy ang kanilang tahanan.

Mabilis namang kumalat ang apoy dahilan ang bahay ni Barotac ay gawa sa kahoy na bumalot sa buong kabahayan.

Nabigo na ang mga kapitbahay ng maglolo na mailigtas ang mga ito dahilan masyadong malaki na ang apoy.

 Sa inisyal na pagsisiyasat, pinaniniwalaan namang faulty electrical wiring ang sanhi ng insidente habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.

Show comments