Dagdag suweldo ng mga guro isinulong ni Sen. Bong
MANILA, Philippines - Nais ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na madagdagan ang suweldo ng mga guro sa buong bansa lalo sa mga pampublikong paaralan.
Ang panukala ay nakapaloob sa Senate Bill No. 3082 na inihain ni Revilla sa Senado.
Layunin ng panukala na makaagapay ang mga guro sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Revilla, malinaw naman sa Magna Carta for Public School teachers na dapat ang suweldo ng mga guro ay kapantay ng ibang propesyon na may kaparehas na qualifications, training at abilities.
Sa kasalukuyan, tumatanggap lamang ng P15,649 kada buwan ang isang guro sa entry-level position o Teacher I.
Masyado umanong mababa ang nasabing suweldo kumpara sa living wage sa Metro Manila na mahigit ng P21,000.
Ang mababang suweldo umano ang isa sa mga dahilan kung bakit maraming guro ang umaalis sa bansa at ang iba ay namamasukan kahit pa domestic helper sa kabila ng kanilang natapos sa kolehiyo.
“No wonder why most of the public school teachers opt to leave the country and earn dollars in menial jobs than the dignified pedagogical nature that they once held in the country,” pahayag ni Revilla.
Nais ni Revilla na itaas ang suweldo ng mga guro mula sa Salary Grade 10 ay gawin na itong Salary Grade 15 para mapanatili ang de-kalidad na pagtuturo sa mga mag-aaral.
- Latest
- Trending