MANILA, Philippines - Hinimok ng isang pari ang senator-judges na kumilos ayon sa kanilang posisyon na ipinagkatiwala ng taumbayan.
Particular na binigyang-diin ni Fr. Joe Dizon, lead convenor ng Solidarity Philippines, na hindi umano dapat maglalapit sa Palasyo o kay Pangulong Benigno Aquino III upang hindi magbunga ng pagdududa sa mata ng taumbayan ang kakahantungan ng desisyon habang gumugulong pa ang impeachment trial sa Senado laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
“That is their call kung papano o how they should behave with propriety. Dahil yun nga, at this point in time bilang mga senator-judges they are entrusted by the people to search for the truth. Kaya dapat kumilos sila in such a way na sa kanilang paggampan sa tungkulin para hanapin ang katotohanan, they should be more concern with propriety, ng kanilang mga kilos. Mas makabubuti na umiwas muna sila sa anumang dealing with Malakanyang. Unless, it is related to their legislative work,” ani Dizon.
Nauna rito, sinasabing bago ang pagdinig sa impeachment trial ay nakipagpulong muna sa Malakanyang sina Senator-Judges Edgardo Angara, Franklin Drilon at Peter Cayetano na kaagad namang binatikos ng mga kritiko ni PNoy.
Gayunman, hindi pa man ito sinasabi ni Fr. Dizon, sina Drilon Francis Pangilinan, Ralph Recto at Teofisto Guingona III, pawang kaalyado at miyembro ng Liberal Party ay nagsimula nang dumistansiya nitong nakalipas na Biyernes (Enero 20) sa ika-66 anibersaryo ng partido sa Araneta-Roxas Estate sa Quezon City.
Nilinaw nila na piniling hindi dumalo kahit isa lamang itong social event upang makaiwas sa akusasyong sila ay ‘bias’.