MANILA, Philippines - Abugado at dapat malinis at matapang ang susunod na hepe ng National Bureau of Investigation (NBI) na papalit sa sinibak na NBI director Magtanggol Gatdula ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Pero sinabi ni Sec. Lacierda, wala pang napipili si Pangulong Aquino na susunod na NBI chief pero ang pamantayan ng Pangulo ay dapat matapang at malinis ito.
Ayon kay Lacierda, kailangan ding may malinis na track record sa public service ang uupo para maayos na pamunuan ang sensitibong ahensya.
Ang mga lumulutang na kandidato para NBI chief ay sina dating PNP chief Raul Bacalzo, BoC deputy commissioner Danny Lim at CIDG chief Samuel Pagdilao.
“It must be somebody who is tough and clean. I’m not very familiar with the requirements. I think also he has to be a lawyer—that’s as far as I know. But that’s one of the requirements. Yes, that’s correct. If you’re not a lawyer, you cannot be,” wika pa ni Sec. Lacierda.
Sa mga sinasabing kandidato para susunod na NBI chief ay tanging si BoC Deputy Commissioner Lim lamang ang hindi abugado. Sina Gen. Bacalzo at Director Pagdilao ay pawang mga abugado bukod sa mga produkto ng PMA.