MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang na ang Income Tax Return (ITR) ni Chief Justice Renato Corona na ihaharap na ebidensiya ng prosecution panel sa pagpapatuloy ng impeachment trial ang siyang magiging susi upang patunayan ang sinasabing unexplained wealth ni Corona.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hintayin na lamang ang pagpapatuloy ng impeachment trial sa araw na ito sa Senado.
Wika pa ni Sec. Lacierda, ngayon natin malalaman kung pumayag ba si Pangulong Benigno Aquino III na ilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang ITR ni Corona.
Nakatakdang tumestigo naman sa araw na ito sa impeachment trial si BIR Commissioner Kim Henares.
“Corona has worked for 20 years in government so that should be his only source of income,” paliwanag pa ni Lacierda.
Aniya, sa paglitaw ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Corona ay maraming properties ang nadiskubre ng prosecution na pag-aari ni Corona kung saan ang iba ay ‘under valued’ tulad ng unit nito sa Bellagio tower kung saan nakasaad sa SALN na worth P6 milyon lamang pero ang aktuwal na presyo nito ay P14.5 milyon.
“The evidence presented has been very clear. The SALNs that Attorney Vidal refused to present at first but was eventually presented showed the acquisition of properties, the statements, and that SALNs during the time of his being in the judiciary will be analyzed in relation to the properties and in relation to the ITRs if they are so authorized by the President. And, yes, these evidences are proof of compliance with Article II of the impeachment,” giit pa ng tagapagsalita ng Palasyo.
Hinamon din nito ang defense team ni Corona na huwag nang harangin ang pagpapalabas ng ITR ni Corona sa impeachment trial ngayon kung talagang wala silang itinatago.
“Kung wala silang itinatago, bakit sila natatakot ilabas ang ITR,” wika pa ni Lacierda.