MANILA, Philippines - Malamang abutin pa ng dalawang buwan ang paglilitis ng Senado bilang Impeachment Court sa kaso ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Ito ay dahil tatagal nang tig-isang buwan ang prosecution at defense sa pagpiprisinta ng kani-kanilang ebidensiya sa Impeachment Court.
Ginawa kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile ang pagtatayang ito kasabay ng pagbatikos sa ilang sektor na nananawagang bilisan ang paglilitis sa pamamagitan ng pagtatanggal sa ilang mga dahilan ng pagkakaantala rito.
“Ako ang aking pagtataya rito, kung talagang mahusay ang magpiprisinta ng ebidensya, aabutin ito ng isang buwan. Pagkatapos, yung defense ay meron ding isang buwan para magharap ng ebidensya,” sabi ni Enrile sa isang panayam. Si Enrile rin ang presiding officer ng Impeachment Court na nagsimulang magsagawa ng paglilitis noong Enero 16. Babalik ang kanilang sesyon bukas, Martes.
Naunang sinabi ni Senate Majority Lea-der Vicente Sotto III na baka matapos ang pag lilitis sa Marso 23 bago magbakasyon ang Kongreso para sa Mahal na Araw. Kapag sa Mayo 7 pa ipag papatuloy ang paglilitis alinsunod sa kalendaryo ng hudikatura, maaaring mawala na ang karamihan ng momentum.
Sa impeachment complaint, inaakusahan si Corona na may kinikilingan sa mga kasong may kinalaman sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo, pagkabigong ihayag sa publiko ang kanyang statement of assets, liabilities at net worth (SALNS), pagpapalabas ng pabago-bagong desisyon sa mga final at executory cases, pagpapalabas ng sta-tus quo ante order laban sa House of Representatives sa kasong may kinalaman sa impeachment laban kay dating Ombudsman Merceditas Gutierrez, pagbibigay ng temporary restraining order pabor kay Arroyo at pagtangging mana-got sa Judicial Deve-lopment Fund at special allowance para sa judiciary collection.