MANILA, Philippines - Ipinauubaya ng Malacañang sa Presidential Commission on Good Government at sa Office of Solicitor General ang hakbang na dapat gawin kaugnay ng pagdismis ng Sandiganbayan sa P50 bilyong ill-gotten wealth laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines na si Fabian Ver at iba pang katao.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na namana lang ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang kaso.
“Minana natin ito, nakita natin, tumagal yan nang 24 na taon. Hindi ko alam kung ilang abogado ang humawak niyan at anong ebidensya ang hinawakan nila,” dagdag ni Valte.
Kabilang sa akusado sa naturang kaso si dating Trade Minister Roberto Ongpin at iba pang sangkot sa tinatawag na Binondo Central Bank.
Sinabi ng Sandiganbayan na nabigo ang mga abogado ng pamahalaan na patunayang nagsabwatan ang mga akusado sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Sa naturang kaso, inakusahan ang mga akusado ng pagmamanipula sa kalakalan ng dolyar mula taong 1984 hanggang 1986 sa tinatawag na Binondo Central Bank, isang underground o lihim na kalakalan ng dolyar sa panahon ng currency crisis noong dekada 80.