MANILA, Philippines - Isasailalim na rin sa ‘on the spot check’ sa mga baril, granada at iba pang mga armas na maaaring magamit sa illegal na aktibidad ang mga magkakaangkas sa motorsiklo o motorcycle riding in tandem kaugnay ng panibagong istratehiya ng Philippine National Police upang mapabilis ang paglipol sa mga high speed tandem crooks sa buong bansa.
Inatasan ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang lahat ng mga pinuno ng PNP units na magkaroon ng istratehikong patakaran upang higit pang maisaayos ang pagsugpo sa mga motorcycle riding in tandem na mga kriminal lalo na ang mga sangkot sa malalaking krimen.
“Sinasamantala ng mga kriminal ang mabilis na pagkilos na ibinibigay ng mga motorsiklo at ginagamit nila ang mahusay na sasakyang ito sa paggawa ng krimen,” pahayag ng kalihim.
Kabilang sa nasabing pinalakas na istratehiya ang police mobile and visibility patrol, pagpapaigting ng checkpoint operations at on-the-spot weapons check operations laban sa mga riding in tandem na mga motorista.
Noong nakalipas na taon, nakapagtala ang PNP ng may 1,700 insidente na kinasangkutan ng riding in tandem na umabot sa 2,089 ang biktima. Ang nasabing bilang ay higit na mataas sa naitalang 1, 565 insidente noong 2010 na nasa 1,819 naman ang biktima.