MANILA, Philippines - Kinastigo ng kampo ni National Bureau of Investigation Director Magtanggol Gatdula ang Department of Justice (DOJ) na nagsasangkot sa kanya sa kidnapping at extortion sa isang undocumented Japanese national na dumating sa bansa noong 2009.
Ayon sa legal counsel ni Gatdula na si Atty. Abe Espejo, walang batayan ang planong pagsasampa ng kaso ng DOJ laban sa kanyang kliyente dahil ang ginagamit umanong ebidensiya ni Justice Secretary Leila de Lima ay produkto lamang ng tsismis.
Kinuwestiyon din ni Espejo ang paraan ng pag-iimbestiga ng DOJ nang hindi man lamang kinuha ang panig ni Gatdula bago ito nakapaglabas ng desisyon na nagrerekomenda sa pagsibak sa NBI director at pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo.
Tahasang sinabi ni Espejo na mataas ang pagtingin at pagkilala ng mga taga-NBI kay Gatdula dahil isa itong “officer and gentleman” na walang kapasidad para kunsintihin ang inaakusa ng testigo na pagkidnap at pangingikil sa pamilya Marzan na kumupkop kay Noriyo Ohara na umano’y tumakas sa mga Yakuza na pumaslang sa kanyang ama.
Katunayan, sinabi ng abogado na sinibak ni Gatdula si Security Management Division Chief Odelon Cabillan at ang iba pang sangkot nang makarating sa kaalaman ng NBI director ang ginawa ng mga ito.
Inakusahan din ni Espejo ng pamumulitika si de Lima na umano’y kumakasangkapan sa isyu para maisulong ang planong pagkandidato sa 2013 elections.
Kaugnay nito, tiniyak ni Espejo na gagawin nila ang lahat ng pagkilos upang mabigyan ng katarungan ang mga maling alegasyon kay Gatdula na naging instrumento ng positibong pagbabago sa NBI magmula nang ito ang maging director sa ahensiya.