Gatdula sinibak sa NBI
MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Justice Sec. Leila de Lima na sinibak na niya si NBI director Magtanggol Gatdula matapos masangkot sa extortion case.
Sinabi ni Sec. De Lima sa interview matapos dumalo sa pagdiriwang ng ika-59 taong anibersaryo ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Camp Crame, hindi na makakabalik si Gatdula sa NBI matapos itong maghain ng bakasyon bagkus ay sinibak na niya ito at may basbas ito ni Pangulong Benigno Aquino III.
“I can confirm also that Director Magtanggol Gatdula will be replaced but as to his replacement pinag-aaralan pa ng President”, wika ni De Lima.
Inihayag ni De Lima na ang pagsibak kay Gat dula ay bunsod ng pagkakasangkot ng mga subordinates nito sa P6M extortion sa isang undocumented Japanese na si Norio Ohara na hinuli ng NBI agents sa Bugallon, Pangasinan noong Oktubre 29 ng nakalipas na taon.
Si Ohara ay tumakas umano sa Japanese Yakuza matapos naman nitong umano’y mapatay ang sariling ama may ilang taon na ang nakalilipas at nagtago sa Pilipinas.
Samantala, kabilang naman sa pinagpipilian na humalili kay Gatdula ay sina PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief Director Samuel Pagdilao at dating PNP Chief ret. Director General Raul Bacalzo.
Nang makunan naman ng reaksyon si Pagdilao ay sinabi nitong isang malaking karangalan na mapabilang siya sa hanay ng mga ikinokonsiderang maging successor ni Gatdula.
- Latest
- Trending