MANILA, Philippines - Kinumpirma ng tatlong testigo ng prosecution ang mga ari-arian ni Chief Justice Renato Corona sa Taguig City, Quezon City at Marikina City na nagkakahalaga ng P67.26 milyon sa ginanap na ikaapat na araw ng impeachment trial sa Senado.
Naunang tumestigo si Randy Rutaquio, register of deeds ng Taguig City, at kinumpirma na pag-aari ni impeached Chief Justice Corona at asawa nitong si Cristina ang 303.5 square-meter na condominium unit sa Taguig City na nabili umano sa halagang P14.5M.
Dinala ni Rutaquio sa Senate Impeachment Court ang deed of absolute sale ng nasabing condominium sa Belaggio Towers, na ayon sa prosecution ay nabili ng mga Corona noong 2009.
“For the record also, I would like to manifest that the selling price as indicated in this deed of absolute sale is P14,510,225,” pahayag ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga ng prosecution team.
Ang Megaworld Corp. ang tumatayong seller o nagbenta ng nasabing condominium unit sa mga Corona.
Bukod sa nasabing condominium unit, mayroon din umanong tatlong parking lots ang mga Corona sa nasabing Belaggio residences.
Pero inamin naman ni Barzaga na ang mga nasabing properties ni Corona ay nakadeklara sa statement of assets liabilities and net worth (SALN) ng chief justice.
Pangalawang humarap sa impeachment court bilang testigo ang register of deeds ng Quezon City na si Atty. Carlo Alcantara.
Isa-isang kinumpirma din ni Alcantara ang mga ari-arian ng mag-asawang Corona sa Quezon City at Marikina.
Ikatlong humarap naman bilang testigo ng prosecution ang register of deeds ng Marikina City.
Sinabi ng prosecution panel, bukod sa P14 milyong condo unit sa Bellagio ay may pag-aari din ang pamilya Corona sa Bonifacio Ridge sa Taguig na nagkakahalaga ng P9.16 milyon, habang P18-M naman na La Vista property sa QC at P15-M sa Burgundy-Kalayaan at P10-5 milyon sa Cubao.
Anila lumilitaw sa Statement of Assets, Lia bilities and Net worth (SALN) ni Corona ay P22.938 milyon pero ang natuklasang kabuuang halaga ng ari-arian ni Corona na pinatotohanan ng 3 testigo sa ikaapat na araw ng impeachment trial ay umaabot ng P67.26 milyon.
Samantala, ibinunyag ng House Prosecution team ang malaking pinagkaiba ng nakasaad sa SALN at sa deeds of sale ng mga ari-arian na nabili ni Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona.
Ang Bellagio condominium ay nabili umano ng mag-asawang Corona noong December 16, 2009 kaya’t dapat na umano itong nakasaad sa 2010 SALN ng punong mahistrado.
Dagdag pa dito ang lote sa Mckinley hill na nakapangalan sa anak nitong si Charina Corona Castillo na binenta ng Punong Mahistrado sa kanyang anak sa halagang P6.1 milyon samantalang ang market value nito ay P6.8 milyon.
Nagtataka din umano ang prosecution panel kung bakit walang pirma dito ang anak kundi ang mag-asawang Corona lamang.
Giit ng prosekusyon, malinaw na may kabawasan sa nakadeklara sa SALN at kung mapatunayan ang discrepancy dito ay makasasapat na ang art.2 para mapatalsik ang punong mahistrado.