US susuporta sa Phl sa Spratlys
MANILA, Philippines - Patuloy na susuporta ang pamahalaan ng Estados Unidos sa Pilipinas sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa Spratly Islands (West Philippine Sea).
Ito ang tiniyak kahapon ng bumisitang mga Senador ng Amerika sa pamumuno ni dating Republican Party John Mc Cain, Joseph Lieberman, Sheldon Whitehouse at Kelly Ayotte kay Defense Secretary Voltaire Gazmin.
Noong Lunes ay nag-courtesy call sina Mc Cain kay Pangulong Aquino sa Malacañang.
Ayon kay Defense Spokesman Peter Paul Galvez, nangako sina McCain na ipagpapatuloy ang pagtulong sa Pilipinas sa isyu ng Spratly Islands gayundin sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang military assistance.
Ang Spratly Islands na mayaman sa depositong langis at mineral ay pinag-aagawan ng mga bansang Vietnam, Brunei, Taiwan, Malaysia, Pilipinas at China.
Sinabi ni Galvez na ang patuloy na presensya ng mga opisyal at sundalo ng Estados Unidos sa bansa ay makakatulong ng malaki upang higit pang mapatatag at mapalakas ang kapabilidad ng Pilipinas sa Asia Pacific Region.
Idinagdag pa ni Galvez na positibo silang hindi pagmumulan ng tension lalo na sa bansang China sa isyu ng Spratly ang pagbisita nina McCain sa bansa.
- Latest
- Trending