MANILA, Philippines - Hindi pinigilan ng Korte Suprema ang ginagawang pagdinig ng Senate impeachment court sa kaso ng pagpapatalsik sa puwesto laban kay Chief Justice Renato Corona.
Ito’y matapos na hindi aksiyunan ng Kataas-taasang Hukuman ang limang petisyon na humihiling na magpalabas ng temporary restraining order laban sa pagdinig ng mga senator-judges sa kaso ni Corona.
Sa halip, binigyang pagkakataon ng SC ang Senado at ang Kamara na magpaliwanag kaugnay ng petisyon laban sa legalidad ng impeachment case.
Sampung araw ang binigay na palugit ng SC upang isumite ang kanilang komento.
Una nang hiniling ng ilang grupo na kinabibilangan nina Homobono Adaza, Alan Paguia, Danilo Lihay-lihay at iba pa na dapat pigilan ng SC ang impeachment case sa Senado dahil sa pagiging labag sa batas.
Ayon sa mga petisyuner, hindi sinunod ng Kamara ang rules na nagtatakda na dapat ay verified ang complaint bago isulong sa Senado.
Dahil anila sa pagiging depektibo, dapat ay ibasura ng Senate impeachment court ang usapin.
Sa en banc session ng mga mahistrado kahapon, napunta ang pinagsama-samang petisyon kay SC Associate Justice Antonio Carpio.