MANILA, Philippines - Mistulang nakapuntos kahapon ang kampo ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona matapos ibasura ng Senado ang kahilingan ng prosekusyon na ipa-subpoena ang chief justice at ilang miyembro ng pamilya nito.
Sa botong 14-6, pinagtibay ng Senate Impeachment Court ang naunang ruling ni Senate President Juan Ponce Enrile na tumatayong presiding officer, na nagbabasura sa “request for the issuance of subpoena” na inihain ng prosecution panel noong Enero 12.
Bukod kay Corona, nais sana ng prosekusyon na ipa-subpoena ng Senate Impeachment Court ang asawa nitong si Charina Corona, anak nilang sina Francis Corona at Carla Corona-Castillo, at asawa nitong si Constantino Castillo III at maging ang mga dokumento na may kinalaman sa kanilang mga real estate properties.
Ikinatuwiran ni Enrile sa kaniyang ruling na ipinagbabawal ng Konstitusyon na pilitin ang isang akusado na tumestigo laban sa kaniyang sarili.
Hindi rin pinayagan ni Enrile na paharapin sa Senate Impeachment court ang asawa ni Corona na si Charina Corona dahil hindi umano pinapayagan na tumestigo ang isang tao laban sa kaniyang asawa habang kasal sila.
Mayroon din umanong “identity interest” sa pagitan ni Corona at kaniyang asawa.
Hindi rin umano maaaring ipatawag ang anak at mga children in-law ng akusado dahil sakop sila ng “parental and filial privilege”.
Bagaman at hindi kinontra ng prosekusyon ang desisyon ni Enrile, kinontra naman ni Sen. Alan Peter Cayetano ang hindi pagpapa-subpoena sa pamilya ng chief justice.
Bukod kay Cayetano, bumoto kontra sa ruling ni Enrile ang kapatid nitong si Sen. Pia Cayetano at Sens. Aquilino Pimentel III, Teofisto Guingona III, Antonio Trillanes IV at Manuel Villar.
Pumabor naman sa ruling sina Senate Pro Tempore Jose “Jinggoy” Estrada, Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, Senators Edgardo Angara, Joker Arroyo, Franklin Drilon, Francis Escudero, Gregorio Honasan, Ferdinand Marcos Jr., Panfilo Lacson, Lito Lapid, Sergio Osmena III, Francis Pangilinan, Ramon Bong Revilla Jr., at Ralph Recto.
Kasalukuyang nasa labas ng bansa si Sen. Loren Legarda samantalang may sakit naman si Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Ibinasura rin ni Enrile ang kahilingan naman ng kampo ni Corona sa pamamagitan ng kaniyang abogado na si Jose Roy noong Enero 11 na ipa-subpoena sina Speaker Feliciano Belmonte, Reps. Neil Tupas, Jr., Jesus Crispin Remulla, Hermilando Mandanas at Tobias Tiangco, at secretary ng Kamara na si Marilyn Barua-Yap.
Prosec team sablay
Sumablay ang prosecution panel sa ikalawang araw ng impeachment trial ni Corona kahapon matapos hilingin ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na miyembro ng prosecution team na isuspinde muna ang trial dahil sa pag-aming hindi sila handa sa mga ipiprisinta nilang ebidensya sa Article 1.
Pinayagan ni Enrile ang prosecution team na unahin na ang Article 2 sa halip na Article 1 pero nang ipinapatawag na ni Enrile ang witness ng prosecution ay tanging dokumento na ‘computer generated’ copies lamang mula sa Land Registration Authority (LRA) ng mga sinasabing mga properties ni Corona ang kanilang maihaharap.
Hindi naman tinanggap ng impeachment court ang nasabing computer generated document at sa halip ay dapat na hintayin na lamang umano ng mga ito ang certiified true copy mula sa LRA.
Dahil dito, nagdesisyon si Enrile na mag-adjourn ang impeachment court dahil sa hindi kahandaan ng prosecution na magharap ng ebidensiya at witness na sinang-ayunan naman ni Rep. Barzaga.
GMA ‘di kailangang ipatawag
Hindi umano makakatulong sa House prosecution panel ang pagpapatawag kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa impeachment trial ni Corona.
Ayon kay House majority leader Neptali Gonzales II, para mapatunayan ang “closeness” ni Arroyo at Corona ay maaari na gamitin na lamang ang appointment sa iba’t ibang puwesto na ibinigay ni Arroyo kay CJ at kanyang misis na si Christina.
Ayon kay Gonzales, isang matalinong saksi at inaasahang magiging “unpredictable” ang magiging testimonya ni Arroyo.
Ang reaksyon ay ginawa ni Gonzales kaugnay sa pahayag ni Iloilo Rep. Niel Tupas, lead public prosecutor ng panel na gawing saksi si GMA.
Isa sa mga alegasyon ng prosekusyon ay ang pagbibigay ni Corona ng pabor sa mga kaso na kinasasangkutan ni Arroyo.