MANILA, Philippines - Nangako ang kagawaran ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng “zero escapes” sa mga preso ngayong taon sa buong bansa.
Tugon ito sa panawagan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na tiyakin na ang lahat ng mga preso ay 100 percent na nasa loob at walang isa man na makakalabas ng bilangguan.
Ayon kay BJMP Director Rosendo Dial, gagawin nila ang mahigpit na pagbabantay sa mga piitan, kasabay ng mabilis na disposisyon sa lahat ng mga jail guards na may mga kasong administratibo.
nabatid na tumaas ang bilang ng mga nakakapuga noong 2011 kung saan ilan sa mga ito ay mga high-profile prisoners, kabilang ang tatlong hinihinalang Chinese drug dealers na nakatakas mula sa Parañaque city jail na umano’y tinutulungan ng jail guards dito.
Bagama’t hindi ibinigay ni Dial ang bilang ng mga nakatakas noong 2011, inamin naman nito na bahagyang tumaas ang bilang nito kumpara noong 2010.