JDV3: Impeachment 'wag gawing circus
MANILA, Philippines - Nanawagan si ZTE-NBN whistleblower and PDP Laban secretary general Jose ‘Joey’ de Venecia III na huwag gawing isang circus ang impeachment trial kay Chief Justice Renato Corona sa halip ay gawin itong isang pagpapakita na gumagana ang demokrasya sa Pilipinas.
“Sa aking paniwala hindi lamang si Corona ang lilitisin dito,” pahayag de Venecia. ‘Ang paglilitis na ito ay isa ring pagsubok sa ating demokrasya.”
Pinakiusapan din ni de Venecia ang mga senador na magsisilbing hukom sa impeachment trial na suriing mabuti ang ebidensya at huwag papadala sa public opinion. Bagamat ang impeachment ay sinasabing isang prosesong pulitikal, dapat pa rin umano nilang isulong ang pagiging pantay at reasonable sa paghusga sa kaso.
“Ang aking hiling sa ating mga kagalang-galang na senador ay tandaan ang kanilang sinumpaang tungkulin na ‘pangalagaan at ipagtanggol ang Saligang Batas, ipatupad ang mga batas, maging makatarungan sa bawat tao, at italaga ang sarili sa paglilingkod sa bansa,” wika pa niya.
Kinakailangan ng 16 na boto sa Senado upang tuluyang mahusgahang nagkasala si Corona sa mga bintang ng impeachment complaint.
- Latest
- Trending