MANILA, Philippines - May 300 Pinoy mula sa mahigit 4,000 katao ang kabilang sa mga nailigtas nang sumadsad at tumagilid ang sinasakyang cruise ship sa baybayin ng Grosseto sa Tuscany, Italy sanhi ng pagkasawi ng tatlo katao at marami pa ang nawawala noong Biyernes ng gabi (Enero 13).
Sa report na tinanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) kay Ambassador Virgilio A. Reyes, Jr. ng Embahada ng Pilipinas sa Rome, isang Pinoy ang sugatan dahil sa nagbagsakang deck habang dalawa pang Pinoy crew ang isinugod sa ospital sa Grosseto dahil sa sobrang panginginig bunsod ng matinding pagkababad sa malamig na dagat.
Sa inisyal na report, aksidenteng natamaan ng cruise ship Costa Concordia ang mabatong bahagi ng dagat. Nabutas ang gilid ng barko at tumagilid. Sa matinding impact ay nagkarambola ang mga pasahero at mga kagamitan sa loob ng barko.
Habang sinusulat ang ulat na ito, may 40 pang katao ang sinasabing nawawala sa insidente.