Trial vs Corona ngayon
MANILA, Philippines - Magsisimula na ngayon ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona sa Senado na tatayong impeachment court.
Ayon kay Atty. Serafin Cuevas, dating mahistrado ng SC at lead defense counsel ni Corona, dadalo ang punong mahistrado sa unang araw ng pagdinig para ipakita ang kanyang kahandaan na ipagtanggol ang kanyang sarili sa walong articles of impeachment na isinampa sa kanya.
“Ang sabi ko sa kaniya, ‘kapag hindi kayo humarap, baka sabihin ng tao ay siguro tama ang akusasyon sa kaniya, kaya takot siyang humarap’. Kaya on the very first day, haharap siya,” ayon kay Cuevas.
Pero nilinaw naman ng abogado na hindi mapipilit ng prosecution panel o ng impeachment court ang kanilang kliyente na magsalita.
Ang kaso ni Corona ay ikatlo na sa mga dininig ng Senado na naging impeachment court, una kay dating Pangulong Joseph Estrada na hindi natapos makaraaan mag-walkout ang mga prosecutors, at ang ikalawa kay dating Ombudsman Merceditas Guttirez na nagbitiw 10 araw bago ang impeachment trial.
Nauna ng sinabi Atty. Valentina Cruz, tagapagsalita ng impeachment court, na tanging agenda sa Lunes ay ang appearance ng prosecution at abogado ng depensa kung saan bibigyan sila ng tig-10 minuto para sa opening statement.
Pagkatapos nito ay reresolbahin na ang mga nakabinbin na mosyon partikular ang kahilingan ng depensa na magkaroon muna ng preliminary hearing sa kaso ng punong mahistrado.
Inaasahan din ang pagtalakay ng mga mosyon ng depensa at prosekusyon kaugnay ng kanilang pinapa-subpoena sa pagdinig kaya’t pwedeng sa Pebrero pa ang umpisa ng pormal na paglilitis.
Sa botong 188, napagtibay ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Corona noong Disyembre 12, na itinuturing na pinakamabilis na pag-apruba sa kasaysayan.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Corona ang umano’y pagiging partial nito sa nakaraang Arroyo administration, ang kabiguan nito na ihayag ang kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at “flip-flopping” decisions ng SC sa landmark labor case ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) laban sa Philippine Airlines.
Maging ang kanyang asawa na si Cristina Roco ay dawit din dahil sa pagkakatalaga nito sa John Hay Management Corp.
Nauna ng sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na siya rin tatayong judge na hindi niya papayagan ang mga delaying tactics ng magkabilang panig at mga “grandstanding” ng prosecutors at defense panel.
Ayon kay Enrile handang-handa na ang mga senador sa makasaysayang impeachment trial na susubok naman sa tatag ng demokrasya ng bansa.
- Latest
- Trending