MANILA, Philippines - Matapos ang isang taon at anim na buwang pagkabilanggo dahil sa kasong drug possession, nakalaya na si dating Ilocos Rep. Ronald Singson at nakauwi na rin sa Pilipinas mula Hong Kong kahapon.
Base sa report, pasado ala-una ng hapon kahapon nang dumating sa Hong Kong Immigration si Singson para makakuha ng clearance sa kanyang pagbabalik sa bansa kasunod ng pagpapalaya dito dahil sa ipinakitang mabuting asal sa bilangguan.
Isang mainit na pagsalubong ang inihanda kay Singson mula sa kanyang pamilya at kababayan sa kanyang pagdating at paglapag sa Laoag International Airport sa Vigan, Ilocos Sur kahapon ng hapon.
Pagdating sa kanyang hometown, isang thanksgiving mass ang inihanda ng pamilya Singson na pinangunahan nina Ilocos Governor Luis “Chavit” Singson upang ipagpasalamat sa Diyos ang paglaya ng dating kongresista.
Magugunita na noong Pebrero 24, 2011 ay hinatulan ng HK court ang batang Singson bunsod sa pagdadala ng may 26.1 gramo ng cocaine at 2 tableta ng valium habang papasok sa Chek Lap Kok International Airport noong Hulyo 11, 2010.
Bunsod ng pagkaka-convict, nagbitiw bilang kongresista si Singson dahil sa pressure ng mga kapwa mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ng pamilya Singson na hindi muna babalik sa pulitika ang dating kongresista at itutuon na lamang umano ang atensiyon ng huli sa negosyo ng kanilang pamilya.