MANILA, Philippines - Maaari pa ring lumabas ng bansa si Supreme Court Chief Justice Renato Corona at mga miyembro ng kaniyang pamilya kahit pa ipinapa-subpoena ng House of Representatives sa Senado na tatayong impeachment court.
Ito ang nilinaw kahapon ni impeachment court spokesperson Atty. Valentina Cruz kaugnay sa nalalapit na impeachment trial sa Lunes.
Sinabi ni Cruz na wala pa namang balakid sa “right to travel” ng pamilya Corona lalo’t hindi pa natatalakay sa impeachment court ang kahilingan ng prosecution panel na maglabas ng hold departure order laban kay Corona at sa pamilya nito.
Nauna rito, hiniling ng prosecution panel na ipatawag si Corona at mga anak nito kaugnay sa sinasabing real properties nila na umaabot umano sa 45.
Pinadadala rin sa mga Corona ang mga dokumento na may kaugnayan sa kanilang real properties. Sa Lunes pa malalaman kung pagbibigyan ng impeachment court ang kahilingan ng prosekusyon.
Pero ayon kay Cruz hindi pa haharap sa Lunes sa impeachment court si Corona.
Ang tanging agenda sa Lunes ay ang appearance o pagharap ng prosecution panel at mga abogado ng depensa kung saan bibigyan sila ng tig-10 minuto para sa kanilang opening statement.
Pagkatapos ng opening statement, reresolbahin naman ng hukuman ang mga nakabinbing mosyon partikular ang kahilingan ng depensa na magkaroon muna ng preliminary hearing.
Inaasahan din ang pagtalakay ng mga mosyon ng depensa at prosekusyon kaugnay sa mga kahilingan niyang ipa-subpoena ang mga personalidad na sangkot sa impeachment trial.
Dahil dito, posibleng sa Pebrero pa masisimulan ang pormal na paglilitis sa mga Articles of Impeachment laban sa punong mahistrado.
Samantala, hinamon ng prosecution panel si Corona na i-donate na lang sa mahihirap ang mga nadiskubreng yaman nito, matapos madiskubre ng prosekusyon na hindi lang isa kundi 45 pa ang mga mamahaling bahay at condominium unit ng Punong Mahistrado sa Metro Manila.
Ayon sa tagapagsalita ng panel na si Deputy Speaker Erin Tanada, marami ang nangangailangan ng pabahay tulad ng mga naapektuhan ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro at Iligan City.
Subalit ayon kay Tanada kahit pa i-donate ito ni Corona, hindi pa rin siya lusot sa criminal at administrative cases kapag napatunayang ibinulsa nito ang pondo ng taumbayan.
Tiniyak ni Tanada na authentic ang kanilang mga pinanghahawakang ill-gotten wealth ni Corona at handa nila itong ilantad sa impeachment trial. (Malou Escudero/Gemma Garcia/Butch Quejada)