'Brasuhan' sa impeachment ilalantad
MANILA, Philippines - Handa ang mga kongresista na humarap sa Senate impeachment court sa hiling ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona na maging testigo upang ipahayag ang kanilang nalalaman sa umano’y “brasuhan” sa Kamara upang mapatalsik ang Punong Mahistrado.
Ayon kay Batangas Rep. Hermilando Mandanas, dadalo siya sa paglilitis at ilalabas ang katotohanan tulad na lamang ng wala umanong nangyaring pilitan sa mga miyembro ng Kamara upang pirmahan ang impeachment case laban kay Corona.
Giit ni Mandanas, hindi sangkot sa isyu ang pork barrel na sinasabing panakot umano sa ilang kongreista para mapapirma sa impeachment case.
Magugunita na inalis si Mandanas bilang chairman ng House Ways and Means committee noong Disyembre matapos ang botohan sa Kamara subalit wala naman umano itong kinalaman sa impeachment kundi sa ipinaglalaban niyang Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga Local Government Units (LGUs).
Samantala, sa kabila ng gag order ng Senado inihayag pa rin ni IloIlo Rep. Neil Tupas Jr. pinuno ng 11-man panel of prosecutors, na nais nilang mag-isyu ang Senado ng subpoena laban kay Corona, misis nitong si Christina at kanilang tatlong anak upang pagpaliwanagin hinggil sa kanilang mga ari-arian.
Umaabot umano sa 45 ang properties ni Corona na matatagpuan umano sa Quezon City (23), Taguig (12), Marikina (7) at tig-isa sa Makati, Parañaque, Pasay samantalang 14 umano sa pag-aari ni Corona ay condominium units at rest house.
Sa Lunes na gagawin ang unang hearing ng impeachment trial ni Corona sa alas-2 ng hapon at plantsado na rin ang security measures na ipatutupad ng PNP.
- Latest
- Trending