Ex-kidnap victims nagbigay ng safety tips
MANILA, Philippines - Buong tapang na lumantad kahapon sa Camp Crame ang ilang mga dating biktima ng kidnapping for ransom at nagbigay ng safety tips sa mga potensyal na target upang makaiwas sa mga sindikato ng kidnapping for ransom (KFR) sa bansa.
Ayon sa kidnap survivor na si Julian Rodriguez, 24, upang makaiwas sa mga kidnaper ay dapat na baguhin ang routine sa mga pagbiyahe, magtalaga ng security officer sa pamilya, salaing mabuti ang mga magtratrabaho sa bahay o sa negosyo, iwasan ang maluhong lifestyle o pamumuhay, huwag bumiyahe ng nag-iisa, huwag magpa-gasolina kung gabi at iba pa.
Si Rodriguez ay nakidnap noong Abril 15, 2009 sa internet café ng kaniyang pamilya sa Las Pinas City na nasagip naman sa safehouse ng mga kidnapper sa Pangasinan, limang araw matapos itong tangayin ng mga armadong lalaki.
Kapag nakidnap ay huwag tanggalin ang piring, gamitin ang pakiramdam, huwag ibigay ang pinansyal na impormasyon sa pinagkikitaan ng pamilya, huwag makipagtalo sa mga kidnaper at mag-isip ng dalawang beses sa pagtakas dahil posibleng mapatay ng mga abductor.
Wika naman ni Ka Kuen Chua, 48, arkitekto na nakidnap noong Setyembre 2008 sa Tandang Sora, Quezon City para sa kaniya ay katumbas ng 17 taon ang 17 araw na inilagi niya sa kamay ng mga kidnapper.
Si Chua ay nasagip ng mga awtoridad sa operasyon sa Novaliches, Quezon City na nagresulta rin sa pagkakaaresto at pagkakapatay sa ilang suspect.
Si Chua na nasugatan sa noo matapos pukpukin ng baril ng mga kidnaper ay ikinadena pa sa isang makipot at madilim na silid na pinagtaguan sa kaniya ng mga abductors.
- Latest
- Trending