MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagkaka-hospital arrest ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo, nakagawa pa rin ng isang libro ang dating pangulo na may kaugnayan sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sa ipinadalang imbitasyon ng tanggapan ni Arroyo sa Kamara para sa mga kagawad ng media, hiniling ng mga ito na dumalo bukas para sa paglulunsad ng libro sa Manila hotel dakong alas-10 ng umaga.
Sinabi ni Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ni Arroyo na ginawa nito ang libro habang nagpapagaling sa sunod-sunod na operasyon sa kanyang gulugod noong nakaraang taon.
Subalit dahil sa pananatili ng dating pangulo sa Veterans Memorial Hospital kayat hindi ito makakadalo sa paglulunsad at sa halip ay si Gonzalo Jurado, professor ni Arroyo sa University of the Philippines (UP) ang siyang magpiprisinta ng libro.
Si Arroyo ay kumuha ng Doctorate Degree in Economy sa UP School of Economics at kasalukuyang naka-hospital arrest sa VMMC dahil sa kasong poll sabotage at nahaharap sa graft charges sa Sandiganbayan.