Kaso ng KFR bumaba, pero Phl 'kidnap capital' pa rin ng Asya?

MANILA, Philippines - Bumaba ng mahigit kalahati ang kaso ng kidnapping for ransom (KFR) sa bansa partikular na sa Metro Manila.

Sa tala ng Police Anti Crime Emergency Response (PACER), mula sa 21 kaso noong 2010 ay nasa 10 na lamang ito sa 2011.

Sa nasabing bilang ay 12 kidnappers ang nalipol at anim na kaso ang naresolba kabilang ang pagkakaligtas kay Angelina Suken Chew Mantigue na binihag noong Mayo 24, 2011 sa Kabuntalan, Maguindanao.

Nasakote rin ang lider ng KFR  na si Abdulmanan Talib Mabang alyas Commander Keneng sa Cotabato City noong Abril 22, 2011.

Nasagip rin ang bihag na si Ying Ching Chang at limang kidnapper ang napatay sa engkuwentro sa Norzagaray, Bulacan noong Oktubre 16,2011.

Sa kabila nito, nagpahayag naman ng pagkaalarma ang Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) dahil hawak pa rin ng Pilipinas ang titulo bilang ‘kidnapping capital’ ng Asya.

Isiniwalat ni Teresita Ang See, founding chairman ng MRPO, sa pagharap nito sa mediamen kahapon sa Camp Crame na bagaman kumikilos ang mga awtoridad partikular na ang PACER)upang malutas ang mga pangingidnap ay nagpapatuloy ang kaso ng KFR.

Iginiit nito na marami sa mga kaso ng KFR ay hindi nairereport sa mga awtoridad bunga ng takot ng pamilya ng mga kidnap victim na manganib ang buhay ng kanilang mga mahal sa buhay sa kamay ng mga kidnapper.

Show comments