4 BCDA director sinibak sa Camp John Hay Corp.

MANILA, Philippines - Apat na director ng Bases Conversion Deve­lopment Authority (BCDA) ang sinipa sa Camp John Hay Development Corporation (CJH Devco) dahil sa pagkabigo ng BCDA na tumupad sa napagkasunduang Restructuring Memorandum of Agreement (RMOA).

Naghain ng pormal na kanselasyon ng July 2008 RMOA ang CJH Devco dahil sa patuloy na pagkabigo ng BCDA na tumupad sa nilalaman ng RMOA parti­kular sa napagkasunduang One Stop Action Center. 

Ang sinibak na BCDA director sa CJH Devco ay sina Mr. Dean Santiago, Atty. Nena Radoc, Mr. Elmar Gomez at Ms. Ma. Asuncion Garcia.

Wika pa ni Atty. Ferdinand Santos, pangulo ng CJH Devco, wala na silang alternatibo kundi maghain ng recission sa July 2008 RMOA dahil sa patuloy na pagkabigo ng BCDA na sundin ang napagkasunduan gayundin ang kanilang tungkulin sa ilalim ng kasunduan.

Idinagdag pa ni Atty. Santos, lumiham sila kay BCDA president Arnel Cassanova nitong Jan. 9 kung saan ay hiniling nila na tuparin ng BCDA ang napagkasunduan sa RMOA lalo ang pagtatayo ng One Stop Action Center kung saan ang BCDA ang dapat umayos ng lahat ng permits na kailangan pero ikinatwiran ng BCDA na ang kanilang trabaho daw ay mag-endorse lamang na hindi sumusunod sa RMOA. Nilinaw din ni Santos na ang CJH Devco na agad nagdeposito ng escrow sa Philippine Vete­rans Bank ng halagang P97.3 milyon bilang proportionate rental na nakasaad sa RMOA.

Aniya, ang CJH Devco noong Oct. 1996 ay nagbayad ng advance sa BCDA ng P250 milyon matapos silang manalo sa lease agreement bid at ng sumunod na taon ay nagbayad uli sila ng P425 mil­yon na rental obligation sa BCDA sa kabila ng kawalan ng ECC na nagmula sa DENR para sa Camp John Hay project.

Iginiit ng CJH Devco sa kanilang sulat noong Dec. 21, 2011 sa BCDA na hindi sila magbabayad ng rental obligation kung patuloy na hindi susundin nito ang RMOA.

Show comments