Singil ng Meralco, bababa ng 5 sentimos ngayong Enero

MANILA, Philippines - Inianunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) na bababa ang singil nila sa kuryente ngayong buwan ng Enero.

Nabatid na bumaba ang Generation Charge ng Meralco ngayong buwan ng hanggang limang sentimo kada kilowatthour (kWh), o naging P5.46 mula sa dating P5.51 per kWh na singil noong Disyembre.

Ayon sa Meralco, ang pagbaba ng Generation Charge ay bunsod nang pagbaba ng presyo ng kuryente na kanilang binili mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Nabatid na bumaba ang presyo ng WESM ng P1.85 per kWh o mula sa P9 per kWh noong November 2011 supply month ay naging P7.14 per kWh noong December supply month.

Nagkaroon rin ng unti-unting pagbaba ng spot market prices matapos ang normalisasyon ng generation supply situation sa Luzon Grid.

Una nang nakaranas ang grid ng generation capa­city constraints kasunod ng maintenance shutdown ng Malampaya natural gas pipeline noong huling bahagi ng Oktubre 2011.

Ang generation charge, na pinakamalaking com­ponent ng electricity bill, ay binubuo ng halos 60 porsi­yento ng average monthly power bill ng kostumer.

Nilinaw naman ng Meralco na ang generation charge ay direktang napupunta sa power supplier ng Meralco at hindi umano sa kanilang kumpaniya.

Show comments