MANILA, Philippines - Hindi papayagan ang paggamit ng cellular phone sa loob ng plenaryo ng Senado kung saan isasagawa ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona simula sa Enero 16.
Sinabi ni Senate Sergeant-at-Arms Jose Balajadia kaugnay sa nalalapit na impeachment trial ni Corona sa pagbabalik ng sesyon sa Lunes.
Ayon kay Balajadia, hihilingin nila sa mga papasok sa session hall na patayin ang kanilang cellular phones upang hindi maka-istorbo at upang matiyak na hindi magagamit ng mga nais manggulo sa trial.
“We’ll be asking all, the public na i-off iyong cellphone, kukumpiskahin namin iyan sa loob ng session hall,” ani Balajadia.
Pero hindi naman umano mangyayari ang naganap kamakalawa sa Maynila kung saan inalis ang signal sa mga lugar na dinaanan ng prusisyon ng Itim na Nazareno bilang bahagi ng pag-iingat mula sa banta ng terorismo.
“Hindi namin ire-request dito (na tanggalin ang signal),” ani Balajadia.
Inaasahan na rin umano na magdadagdag ng puwersa ang Philippine National Police sa paligid ng Senado kasama na ang civil disturbance team na tututok sa mga nais magdaos ng protesta.