MANILA, Philippines - Inihain kahapon sa Senado na tumatayong impeachment court ng isang Atty. Fernando Perito ang 6-pahinang mosyon na humihiling na i-contempt ang mga House prosecutors sa pangunguna ni Congressman Neil Tupas kaugnay sa paglalabas nila sa media ng ilang ebidensiyang gagamitin laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay Perito, bilang miyembro ng Integrated Bar of the Philippines, nairita siya sa iresponsableng inasal ng mga miyembro at lead counsel ng prosekusyon sa impeachment case ni Corona.
Pinuna rin ni Perito ang pagkauhaw umano ng grupo ng prosekusyon sa media exposures.
“It is to movant’s dismay coupled with outrage and indignation that this bunch of prosecutors called the Honorable Gentlemen and Representatives of the people who are lawyers would be conspiring with impunity in their relentless thirst for media exposures to demoralize their prey, the Chief Justice,” nakasaad sa mosyon ni Perito.
Nakasaad din sa mosyon na dapat pigilin ng impeachment court ang mga house prosecutors sa paglason sa isipan ng publiko.
Sinabi pa ng petitioner na paborito umanong “punching bag” ni Tupas si Corona kaya inilabas nito ang mga hawak na ebidensiya kahit hindi pa nagsisimula ang impeachment trial.