Rigodon sa minorya sa Kamara isusulong ni Suarez
MANILA, Philippines - Magbobotohan na ang mga miyembro ng minorya sa Kamara upang masolusyunan na ang sigalot sa pagitan nina House Minority leader Edcel Lagman at Quezon Rep. Danilo Suarez.
Ayon kay Rep. Suarez, sa unang araw ng pagbubukas ng session sa Kamara sa Enero 16 araw ng lunes ay magbobotohan na sila ng mga miyembro ng minorya kung saan ito rin ang kanilang regular na araw ng pagpupulong.
Sa sandaling matapos ang botohan at mapagkasunduan ng miyembro ng minorya na si Suarez ang tatayong leader kapalit ni Lagman ay kaagad nila itong ipagbibigay alam kay House Speaker Feliciano Belmonte.
Giit ni Suarez, kung susundin lamang sana ni Lagman ang gentleman’s agreement ay hindi na lalaki ang gulo sa pagitan nila sa kabila nito, tiniyak pa rin ng kongresista na nanatili pa ring buo at matatag ang relasyon ng 29 miyembro ng minorya.
Taliwas umano ito sa pahayag ni Ako Bikol party list Rep. Rodel Batocabe na kaalyado ng mayorya na humihina sila dahil sa isyu ng term sharing sa pagitan nila ni Lagman.
Paliwanag ni Suarez, mas malaki ang awayan ng mayorya kaysa sa Minorya dahil mas marami ang miyembro nito kung ikukumpara sa kanila, subalit nilinaw ni Batocabe na walang awayan na namamagitan sa kanila at stable ang liderato ni Belmonte.
Samantala, hindi naman makumpirma ni Suarez ang balita na nais na lamang ni Lagman na patalsikin siya sa puwesto upang magkaroon ito ng dahilan na makalipat sa kampo ng Mayorya sa Kamara.
Samantala, handa naman ang majority bloc ng Kamara na tanggapin si Rep. Lagman sa kanilang hanay.
- Latest
- Trending