MANILA, Philippines - Naniniwala ang ilang mambabatas mula sa Mayorya sa Kamara na humihina na ang samahan na namamagitan sa mga kasapi ng Minorya matapos ang iringan sa pagitan nina Minority Leader Edcel Lagman at Quezon Rep. Danilo Suarez.
Sinabi ni Ako Bikol party list Rep. Rodel Batocabe, kaalyado ng Pangulo sa Kamara, ang gulo ngayon sa minorya ay nagpapakita lamang ng paghina ng oposisyon dahil sa wala na silang isyung maibato laban sa kasalukuyang administrasyon.
Idinagdag pa nito na mismong sila ay hindi na nagkakaintindihan sa tunay na layunin ng minority group ngunit mahalaga pa rin na magkaisa sila upang tumibay ang demokrasya ng bansa.
Ikinalungkot din ito ng isa pang kaalyado ng Pangulo na si CIBAC party list Rep.Sherwin Tugna, dahil sa kakaunti na lamang umano ang oposisyon ay hindi pa nagkakaunawaan ang mga ito dahil lamang sa usapin ng term sharing.
Samantala, pinayuhan naman ni Lagman si Suarez na huwag gamitin si dating pangulong Gloria Arroyo sa kanilang isyu at tigilan na rin ang paggamit nito sa pangalan ng ospital bilang kanyang campaign headquarters.
Nauna na ring inakusahan ni Suarez si Lagman na dinadamay si GMA sa kanilang sigalot.