MANILA, Philippines - Isasama na sa curriculum ng mga estudyante sa Elementarya at High School ang pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, mahalagang mabatid ng mga batang mag-aaral ang pangangalaga at pagmamahal sa ‘Inang Kalikasan’ upang maiwasan na sa susunod na salin lahi ang mga kalamidad gaya ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa na sumalanta sa Cagayan de Oro at Iligan City na ang isa sa pangunahing dahilan ay ang walang pakundangang pagputol ng mga puno sa kabundukan.
Aniya, kailangan ang puspusang pagtuturo ng environmental education upang maipabatid sa sambayanan ang mga kaalaman hinggil sa pangangalaga ng kalikasan, paano maiwasang mapatindi ang climate change at maibsan ang epekto nito gayundin ang karampatang paghahanda rito.
Ang climate change ay isasama sa subject na Science at Araling Panlipunan ng mga mag-aaral sa Elementary at Secondary Education.