MANILA, Philippines - Ipinagpasalamat ni Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian ang pagbaba ng 11 porsiyento ng bilang ng mga naputukan sa lungsod sa pagsalubong ng Bagong Taon kumpara sa nakaraang taon.
Ayon sa Valenzuela City Health Department, simula Disyembre 21, 2011 hanggang Enero 1, 2012 ay nakapagtala ang mga pagamutan ng lungsod ng kabuuang limampu (50) katao na nasugatan dahil sa paputok kumpara sa 60 noong nakaraang taon.
Karamihan ay kalalakihan na may 41 kaso (82%) kumpara sa kababaihan na may siyam (9) na kaso lamang. Siyam na kaso (18%) ay lango sa alkohol.
Walang naiulat na nalason sa paputok, namatay, o tinamaan ng ligaw na bala sa taong ito. Pawang mga nasugatan lamang sa pagpapaputok na karamihan ay nangyari sa mga kalsada.
Maigting ang naging kampanya ng Pamahalaang Lungsod upang maging mas maingat ang mga Valenzuelano sa pagsalubong sa Bagong Taon.